Inihahanda na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang sistema at mga taong magpapatupad ng SIM Card Registration Act.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, makikipag-ugnayan ang NTC sa mga telecommunications companies para sa panahon na itatakda sa pagpaparehistro ng SIM card.
Kapag naplantsa na aniya ang sistema ay magtatakda ang NTC kung kailan nang ganap na ipatutupad ang naturang batas.
Siniguro naman ni Uy na gagawing madali ng NTC para sa publiko ang pagpaparehistro, kung saan hindi na kailangan pang magpunta sa tanggapan o business center ng mga telecommunications companies ang mga tao at pumila ng mahaba para lamang makapagrehistro ng kanilang SIM card.
Paliwanag ni Uy na ang mga SIM card na postpaid ay may datos na sa telcos, kaya ang gagawin na lamang ay padadalhan ng notification ang SIM card owner para i-validate kung siya talaga ang may-ari ng SIM card.
Habang, sa mga prepaid SIM card ay halos katulad lang din ang proseso, kung saan padadalhan sila ng code at application para sa registration sa mismong cellphone unit at dito na ilalagay ng may-ari ng SIM card ang mga kailangan na mga detalye.