Pinalilinaw ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Manila Water ang hindi na pagbabayad o bawas-singil sa water bill sa Abril ng mga naapektuhan ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, dapat utusan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Manila Water na magsagawa ng public hearing para rito.
Pero giit ni MWSS Regulator Chief Patrick Ty, hindi nila puwedeng puwersahin ang Manila Water na magsagawa ng public hearing ukol sa bill waiver dahil wala itong kinalaman sa concession agreement.
Una ang inanunsiyo ng Manila Water na walang babayarang bill ang kanilang mga konsumer na pinakamatinding naapektuhan ng water shortage.
Hindi na rin daw kailangang magbayad ng minimum charge na may katumbas na 10 cubic meters ang lahat ng Manila Water customers.