Sistema ng suspensyon ng klase, ipinapabago ng isang kongresista

Manila, Philippines – Dahil sa kalituhan at tagal ng suspensyon ng klase ng ilang mga lungsod sa Metro Manila, hiniling ni Una Ang Edukasyon PL Rep. Salvador Belaro na baguhin ang sistema ng suspensyon at kanselasyon ng pasok sa eskwelahan.

Sa House Bill 6072 na inihain ni Belaro, nakadepende sa public storm warning signal ang kanselasyon ng klase para maiwasan na ang kalituhan ng mga LGUS at para matupad na rin ang target na zero casualty.

Sa ilalim ng panukala, kapag signal #1 suspendido na ang klase mula preschool hanggang elementary.


Kapag signal #2 naman ay suspendido na dapat ang klase sa high school, technical training institutions at maging sa kolehiyo.

Kanselado naman ang klase ng mga nasa graduate school kabilang dito ang mga Masters at Doctoral kapag signal #3.

Ang suspensyon naman sa mga pasok sa mga opisina sa gobyerno ay maaaring suspendihin kahit signal #2 lalo na kung may intense rainfall warning, storm surge o tsunami warning, at matagalang pagkasira ng traffic control system sa mga lansangan, railways o ports.

Nakasaad din sa panukala na saklaw na rin ang suspension ng klase at trabaho tuwing may lindol, pagbaha, chemical spill, sunog, tsunami, landslide at kung may nangyayaring krimen.

Facebook Comments