Dismayado si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa hindi maayos na sistema sa pag-asikaso sa Locally Stranded Individuals (LSIs) na nasa Rizal Memorial Sports Complex.
Sa isang panayam kay Mayor Isko, pinayuhan nito ang organizers ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan na dapat ay pag-isipan nilang maigi ang kanilang diskarte o ang proseso sa pagpapa-uwi sa mga LSI.
Sinabi pa ng alkalde na inisip sana ng organizers ang kalagayan ng LSIs lalo na’t libu-libo ang pagdagsa nito kung saan sa bleachers pa ng stadium natutulog ang mga LSI.
Nagkaroon din sana ng koordinasyon upang mas natugunan ang anumang pangangailangan o pagkukulang at hindi kasalanan ng mga LSI kung bakit sila dumami dahil doon sila dinala ng mga organizer.
Maging ang mga namumuno sa Philippine Sports Commission (PSC) ay kinuwestyon ni Mayor Isko dahil sa pumayag din ito sa sitwasyon pero wala naman suportang inilaan tulad na lamang ng paglalagay ng mga trash bin kaya’t sandamakmak na basura ang nahakot ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Magkaganoon pa man, walang sinisisi si Mayor Isko sa nangyari dahil parte naman ito ng trabaho ng bawat isa at ang nasabing Hatid Tulong Program ng pamahalaan ay isang magandang ideya para sa kapakanan ng mga LSI.