
Isinagawa ang site visit at hazard assessment para sa Domuloc Earthfill Dam o Small Reservoir Irrigation Project ng National Irrigation Administration (NIA) sa bayan ng Bugallon.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kasama ang mga inhinyero at opisyal ng NIA mula sa Bugallon Satellite Office.
Sa isinagawang pagbisita, inilahad ng mga kinatawan ng NIA ang plano at teknikal na disenyo ng proyekto.
Tinalakay rin ang mga posibleng panganib at mga hakbang na kailangang isaalang-alang kaugnay ng kaligtasan ng komunidad, partikular sa aspeto ng disaster preparedness at contingency measures.
Ang Domuloc Earthfill Dam ay bahagi ng programa ng NIA na naglalayong magtayo ng maliliit na imbakan ng tubig para sa irigasyon.
Ayon sa paunang impormasyon, inaasahang makatutulong ito sa suplay ng patubig para sa mga sakahan sa lugar kapag natapos ang proyekto.
Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng NIA at ng lokal na pamahalaan kaugnay ng nakatakdang full operation, kabilang ang mga iba pang kinakailangang paghahanda at pagsusuri ng nasabing proyekto.
Facebook Comments







