SITG, binuo ng PNP para mas matutukan ang imbestigasyon sa pamamaril sa alkalde ng Infanta, Quezon

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PBGen. Dionardo Carlos kay Police Regional Office Calabarzon Regional Director PBGen. Antonio Yarra na bumuo ng Special Investigation Task Group o SITG para tutukan ang pamamaril kahapon sa alkalde ng Infanta, Quezon na si Mayor Filipina Grace America.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, na bukod sa pagbuo ng SITG tiniyak din ni PNP chief ang availability ng lahat ng resources ng mga PNP National Support Units para sa imbestigasyon at pursuit operations nang sa ganun ay mabilis maresolba ang kaso.

Sa kasalukuyan aniya, nagsasagawa ng checkpoint operations ang PNP sa Infanta, Quezon at mga kalapit na lugar para maharang ang mga suspek sa insidente.


Sinisiyasat na rin aniya ng mga forensic investigators ang mga narekober na ebidensya sa pinangyarihan ng insidente sa Rizal corner Zamora Streets in Poblacion 1, Infanta, Quezon.

Si Mayor America, na re-electionist sa halalan, ay kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong ospital sa Metro Manila, matapos na ilipad ng isang military aircraft kahapon ng hapon.

Siya ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang salarin ang kanyang sinasakyan itim na SUV habang pauwi sa kanyang bahay mula sa simbahan kahapon.

Facebook Comments