Manila, Philippines – Bumuo na ng Special Investigation Task Group “Yulo” ang Eastern Police District (EPD) upang mapabilis ang imbestigasyon sa pag-ambush sa isang negosyante sa EDSA, Barangay Highway Hills, Mandaluyong City.
Ayon kay EPD Director Police Chief Superintendent Bernabe Balba, bumuo na ng Special Investigation Task Group “Yulo” ang kanyang tanggapan upang mapabilis ang imbestigasyon sa pamamaril.
Sakay ng kulay puting Toyota Grandia na may plate number NOS 361 ng tambangan sa tapat ng VRP Medical Center ang mga biktima na sina Jose Luis Yulo 62-taong gulang na isang negosyante ng Ayala Alabang Village, Muntinlupa City; Allan Nomer Santos 55-taong gulang, isang flight operation staff at driver at Esmeralda Ignacio, 38- taong gulang at stockbroker .
Base sa imbestigasyon, binabagtas ng mga biktima ang southbound lane ng EDSA ng bigla na lamang silang paputukan ng motorcycle-riding suspects.
Namatay agad sina Yulo at Santos habang nagpapagaling na si Ignacio sa pagamutan.
Pinag-aaralan na ngayon ng SITG “Yulo” sa pamamagitan crime laboratory ang trajectory at cross matching ng mga bala , mga fingerprints na nakuha sa sasakyan ng mga biktima, ang paghahanap sa mga CCTV footages sa crime scene at posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.