Mas maayos na ngayon ang sitwasyon ng National Capital Region (NCR) sa COVID-19 kumpara noong buwan ng Nobyembre 2020.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, bumaba sa 405 ang COVID-19 average daily cases noong Nobyembre 1 hanggang 7, 2021 mula sa 501 na naitala sa kaparehong petsa noong isang taon.
Nasa 0.37 naman ang reproduction number ngayong taon na mas mababa kumpara sa 0.78 porsyentong naitala noong November 2020.
Mas mababa rin ngayong taon ang Average Daily Attack Rate (ADAR) sa kada 100,000 indibidwal na nasa 2.86 porsyento mula sa 3.63 na porsyento noong nakaraang taon.
Nadagdagan naman ng 21,430 ang COVID testing sa NCR ngayong taon kumpara sa 15,577 noong isang taon.
Mayroon ding apat na porsyentong positivity rate ang NCR mula sa 6 porsyento noong 2020.
Gayunman, mas mataas naman nang bahagya ang okupadong hospital beds ngayong taon na nasa 2,389 kumpara sa 2,290 noong nakaraang taon.