Sitwasyon ng healthcare system sa bansa, posibleng pagbasehan ng ECQ extension

Malaki ang tiyansang bumaba pa ang kaso ng COVID-19 kung palalawigin pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Batay sa pagtaya ng Department of Health (DOH), maaaring bumaba ng 15,262 ang active COVID-19 cases kada araw sa NCR bago matapos ang Setyembre kung magsasagawa ng isang linggong General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions at limang linggong ECQ.

Pero sabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, maaari pa ring magbago ang projection depende sa kilos ng publiko.


Samantala, ayon kay National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa, bukod sa numero, pwede ring gawing basehan ng posibleng pagpapalawig ng ECQ ang sitwasyon ng healthcare system sa bansa.

“Magdedesisyon ang IATF base sa mga numero kasi yung mga nakikita nating numero ngayon na mataas, ito ay mga kaso na na-infect bago pa na-implement ang ECQ,” ani Herbosa.

“Tingnan natin, ang rason naman whether to extend or not, ako, sa aking opinyon, ay base sa health system mo. Kung napupuno yung ating mga ospital, temporary treatment and monitoring facility, pwede tayong mag-extend,” dagdag niya.

Inihalimbawa ni Herbosa ang paghiling ng mga medical frontliners ng timeout kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Facebook Comments