SITWASYON NG MGA ESTUDYANTE SA SILLAWIT NHS TUWING TAG-INIT, NANANATILING MAAYOS

Cauayan City – Tinitiyak ng pamunuan ng Sillawit National High School na maayos pa rin ang kalagayan ng mga estudyante ngayong panahon ng tag-init.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Renato Barrientos, Principal sa naturang paaralan, nababantayan pa rin nila ng maayos ang sitwasyon ng mga mag-aaral tuwing panahon ng tag-init.

Aniya, hindi naman maiiwasan na mayroong mga estudyanteng nahihilo sa paaralan lalo na kapag tirik ang araw.
Gayunpaman, sinisigurado naman nila na kaagad na tinitingnan ang kalagayan ng mga estudyanteng nakararanas nito.


Sinabi rin ni Principal Barrientos na bilang pagtugon, nagkaroon na sila ng pagpupulong kasama ang mga magulang kung saan nagkasundo ang mga ito na magdagdag ng karagdagang electric fan para sa mga bata.

Bukod pa rito, bumili na rin sila ng mga kagamitan sa kanilang school clinic katulad na lamang ng stretcher at mga kinakailangang mga gamot na magagamit sakaling may estudyanteng sumama ang pakiramdam.

Nagpaalala rin si Principal Barrientos sa magulang ng mga bata na bantayang maigi ang kalusugan ng mga ito.

Ugaliing ipaghanda ng almusal ang mga bata upang may lakas sila sa pagpasok sa eskwelahan at maiwasan ang pagkahilo at panghihina ng mga ito.

Facebook Comments