Sitwasyon ng mga international at domestic airports sa bansa, ipinasisilip ng Senado

Pinasisilip ng Senado ang estado o kasalukuyang sitwasyon ng mga international at domestic airports sa bansa.

Kaugnay na rin ito ng mga problema at aberyang naranasan ng mga pasahero sa parehong international at domestic airports gayundin sa mga passenger terminals kung saan sa gitna ng napakainit na panahon ay magkakasunod na pumapalya ang mga air-conditioning system sa mga paliparan.

Sa Senate Resolution 1020 na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay inaatasan niya ang angkop na komite na siyasatin ang isyu na may layong maibsan ang abalang idinudulot ng mga ganitong problema sa mga pasahero, panatilihin ang world-class airports, palakasin ang turismo at maisaayos ang imahe ng bansa.


Hindi rin pinalagpas ng aberya ang ilang mga senador at staff kung saan sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental, naobserbahan na overcrowded na ang airport waiting lounge at napilitan maghintay ng nakatayo ang mga pasahero dahil sa kawalan ng upuan at hindi rin well-maintained ang mga comfort rooms.

Nakasaad din sa resolusyon ang mga nakaraang problema sa mga paliparan kung saan nagkaroon naman ng sabay-sabay ding maintenance at operational problems sa NAIA at sa ilang international at domestic airports, power outages at hindi gumaganang elevator at air-conditioning systems.

Facebook Comments