Tuloy-tuloy ang pagbabantay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa sitwasyon ng mga Pilipino sa mga bansang may mataas na kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, hindi nila nakikitang namimiligro ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Myanmar na matatandaang itinaas sa Alert Level 4 dahil sa banta ng virus.
Bagama’t may mga OFW na ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa bansa, sinabi ni Cacdac na hindi magiging malawakan ang gagawin nilang repatriation.
“Hindi naman po ganon karami ang mga OFW sa Myanmar, marami-rami na, sabihin na nating mga 2,000 OFWs doon kasama na rin dyan ang mga pamilya nila at non-OFWs. So, nakikita natin na hindi malawakan ang repatriation although meron din talagang nag-manifest na ng kanilang pagpapauwi kaya isinasaayos na rin po ito,” saad ni Cacdac.
“So far, kontrolado naman ang sitwasyon at nananalig tayo sa Myanmarist authorities and of course yung ating embahada doon, nakikipag-coordinte na rin sa DFA.”
Samantala, epektibo na rin kahapon ang travel ban ng Pilipinas sa Malaysia at Thailand dahil sa banta ng Delta variant.
Pinalawig din hanggang July 31 ang travel ban sa Oman, UAE, Sri Lanka, Bangladesh, India, Pakistan, Nepal at Indonesia.
Tiniyak naman ni Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval na mahigpit nilang mino-monitor ang lahat ng mga paliparan at pantalan sa bansa para mapigilan ang pagkalat ng mas nakakahawang strain ng COVID-19.