Sitwasyon ng mga pasilidad at mga pasyente ng NCMH, pinapaimbestigahan ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo sa Senado ang kalagayan ng mga pasilidad ng National Center for Mental Health (NCMH) matapos makatanggap ng mga reklamo ang kanyang tanggapan sa hindi maayos na sitwasyon ng mga pasyente doon.

Kamakailan lang ay nagsagawa ng surprise inspection ang senador sa NCMH at doon niya nakita ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasyente na bukod sa masangsang na amoy ay nagsisiksikan sa iisang ward ang maraming pasyente.

Ang Pavilion 8 o ang Female Ward at ang Pavilion 4 o ang forensic ward ang mga binisita ng mambabatas kung saan agad niyang ipinag-utos ang ’round the clock’ na pag-disinfect at paglilinis na sinang-ayunan naman ng pamunuan ng pagamutan.


Maging ang isang abandonadong pavilion na hindi tinapos ang konstruksyon pero ginastusan na ng mahigit P60 million ay sinilip din ng senador na siyang dahilan noon kung bakit pinaslang ang dating NCMH chief matapos isiwalat ang katiwalian tungkol dito.

Inihain ni Tulfo ang Senate Bill 562 kung saan inaatasan ang Senate Committee on Health na imbestigahan ang kalagayan ng mga pasilidad sa NCMH upang matiyak na makakatanggap ng wastong pangangalaga ang mga pasyente at maresolba ang mga napaulat na katiwalian dito.

Sa pagsisiyasat ay tutukuyin din ang ugat ng problema at mga lapses sa operasyon ng NCMH at susuriin din ng husto ang kalidad ng pangangalaga at paggamot na ibinibigay sa mga pasyente.

Facebook Comments