Magsasagawa ng assessment ang pamahalaan sa implementasyon ng price ceiling sa ilang pork at chicken products sa Metro Manila bago ito mapaso sa April 8.
Dito malalaman kung palalawigin o babawiin na ang 60-day price cap.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakasaad sa Executive Order No. 124 na sa unang linggo ng Abril na lamang iiral ang price cap kaya kailangang itong i-evaluate.
Pagtitiyak ni Roque na ginagawa ng Department of Agriculture (DA) ang mga hakbang para matiyak na matatag ang supply ng baboy sa merkado.
Ang DA ay nag-aalok na ng transportation subsidy para sa hog raisers at suppliers para ma-facilitate ang mga hog shipment patungong Metro Manila.
Isinusulong din ng gobyerno na itaas ang hog shipment mula sa Visayas at Mindanao patungong Luzon para mapalakas ang market supply.