Cauayan City – Nasa maayos na sitwasyon pa rin ang bayan ng Dinapigue, Isabela sa kabila ng naranasang paghagupit ni bagyong Enteng.
Sa panayam ng iFM News Team kay Dinapigue MDRRMO Officer Ronald Pacleb, bukod sa panaka-nakang mga pag-ulan, pagbugso ng hangin, at pag-alon sa baybayin, hindi naman umano ganoon kalala ang naging epekto ng nabanggit na bagyo sa kanilang bayan.
Aniya, mayroon lamang silang inilikas na mga construction workers sa Brgy. Digumased na walang maayos na masisilungan dahil nakatira lamang sa mga bunkhouses sa isang construction site.
Samantala, bagama’t nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo, patuloy pa rin ang pag-iral ng Liqour Ban Policy at ang pagbabawal sa mga maliliit na bangka at mga mangingisda na pumalaot dahil pa rin sa nararanasang mga pag-alon sa baybayin sa kanilang lugar.
Patuloy rin ang ginagawang clearing operation ng kanilang tanggapan katuwang ang iba pang mga awtoridad sa ilang mga natumbang kahoy sa mga gilid ng kalsada.