Sitwasyon sa Cotabato City, kontrolado ng PNP- CD Manalad

May mga inisyal na impormasyon nang nakalap ang kapulisan kaugnay ng naganap na shootout kahapon ng hapon sa bahagi ng Rajah Tabunaway Street, Poblacion 6, Cotabato City kung saan isa ang patay at tatlo naman ang sugatan, subalit ang mga impormasyon nilang nakukuha ay kailangan pa ng validation ayon kay Cotabato City Police Office Dir. Police Col. Portia Manalad sa panayam ng DXMY ngayong umaga.

Sinabi pa ni Col. Manalad na malaking tulong sa kanilang imbestigasyon ang mga impormasyon na ibibigay ng 2 mga sugatan sa shootout na ngayon ay nasa pagamutan pa, hihintayin lamang nila ang “go signal” ng mga doktor kung maari nang makunan ng statement ang mga ito.

Sinabi pa ni Col. Manalad na sa inisyal na resulta ng kanilang imbestigasyon ay personal grudge ang ugat dahilan ng shooutout subalit magsasagawa pa sila ng mas malalimang imbestigasyon kaugnay ng insidente.


Kinilala ang nasawi sa naturang shooutout na si Asraf Bajunaid 50 years old, self-employed, residente ng Bagua-1, Cotabato City.

Ang mga sugatan naman ay sina Sapal Kubato, 39 anyos at Suharto Kasim Panalangin, 32 anyos, pawang residente ng lungsod.

Kalalabas umano ni Kubato mula sa isang karenderia nang paputukan ito ng sakay ng Honda Sedan na sina Panalangin, Bajunaid.

Hindi naman fatal ang tama ni Kubato kaya nagawa pa nitong magmaneho ng kanyang motorsiklo kaya hinabol pa ito ng kotse, nakaganti naman ng putok si Kubato kung saan tinamaan nito ang nasawing si Bajunaid.

Samantala sa kabila ng mga naitalang kaso ng pamamaril sa syudad sa pagpasok ng 2020, wala aniyang dapat ikalaalarma ang publiko, kontrolado pa rin aniya ng City PNP ang sitwasyon giit pa ni Col. Manalad.

Matatandaang nagpapatuloy pa rin ang mga imbestigasyon kaugnay sa mga naunang kaso ng pamamaril sa uang dalawang linggo ng Enero, kabilang na ang pamamaril sa isang COA BARMM Employee, Brgy. Kagawad, former Brgy. Official at isang ama ng tahanan.(DAISY MANGOD)

Facebook Comments