Unti-unti nang nagbabalik sa normal ang sitwasyon sa ilang probinsyang sinalanta ng Bagyong Rolly.
Sa Sorsogon, mabilis na humupa ang baha sa apat na lugar sa lalawigan at nadaraanan na ang mga kalsada.
Minimal lang din ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil maagang nakapag-ani ang mga magsasaka habang wala ring nasirang gamit ng mga mangingisda.
Wala ring naitalang casualty habang nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang karamihan sa 16,000 pamilyang lumikas dahil sa bagyo.
Tiniyak naman ni Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero na handa ang pamahalaang panlalawigan na tulungan ang mga residenteng nasira ang mga bahay.
Sa Batangas, humupa na ang baha sa mga bayan ng Pallocan West, Lobo, San Isidro at Batangas City.
Ngayong tanghali, inaasahang maibabalik na ang biyahe sa Batangas Port.
Bagama’t wala pang naiuulat na casualty, kinumpirma ni Gov. Hermilando Mandanas na isa ang naitalang nawawala sa Bayan ng Ibaan.
Samantala, 15 barangay mula sa tatlong bayan sa Marinduque ang lubog sa baha, may mga kalsadang hindi pa madaanan at apat na bayan ang wala pa ring kuryente.
Umabot sa higit 23,000 indibidwal ang inilikas at kasalukuyang namamalagi sa 211 evacuation facilities.
Aminado si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na kulang na ang pondo nila para tugunan ang epekto ng Bagyong Rolly lalo’t hindi pa sila tuluyang nakakabangon sa pinsala ng Bagyong Quinta at sa dumaraming kaso ng COVID-19.