Cauayan City – Mahigpit ang ginagawang monitoring ng mga awtoridad ngayon sa nasasakupan ng lungsod ng Cauayan, particular na sa mga lansangan at sa mga flood prone areas.
Sa naging panayam ng iFM News Team kay POSD Chief Pilarito Malillin, dahil sa nararanasang pagsusungit ng panahon dulot ni bagyong Julian, mas paghihigpitan pa nila ang pagbabantay sa lungsod at pagbibigay abiso sa mga residente.
Aniya, nakahanda na rin ang kanilang mga kagamitan para sa kanilang gagawing pagrespunde sakali man na mayroong mangyaring insidente o di kaya naman ay mayroong mangailangan ng tulong.
Pinaaalalahanan rin ng kanilang pamunuan ang lahat ng mga residente particular na ang mga mag-aaral na mag-ingat sa kanilang pagpasok sa eskwelahan sakali man na walang ilabas na suspension ng klase ngayong araw.
Bukod pa rito, mahigpit rin nitong hinihikayat ang lahat na sumunod sa mga umiiral na polisiya at ordinansa ngayong panahon ng bagyo.