Sitwasyon tuwing rush hour sa MRT-3, dapat maranasan ng bagong transport chief ayon sa grupo ng mga commuter

Dapat maranasan ni Transport Secretary Jaime Bautista ang pagsakay ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3) tuwing rush hour.

Ito ang tugon ng grupo ng mga commuter sa sorpresang pagbisita at pagsakay ni Bautista sa MRT-3 noong hapon ng Lunes.

Ayon kay The Passenger Forum Convenor Prime Morillo, dapat makita ni Bautista ang sitwasyon ng mga pasahero tuwing rush hour dahil ito ang oras na pinakamalala ang nararanasang sitwasyon ng mga pasahero.


Aniya, dito makikita ng kalihim kung gaano katagal at kahaba ang pila sa MRT-3.

Matatandaang nag-ikot si Bautista sa iba’t ibang istasyon ng MRT partikular sa Kamuning, Shaw, at Taft stations, at kumausap ng ilang pasahero pasado ala-1 ng Lunes

Ibinahagi sa kaniya ng mga pasahero ang tagal ng pagpila at nakausap din ng kalihim ang mga teller.

Pinadaragdagan ni Bautista ang Commuter Welfare Desk, x-ray machine, at emergency medical technicians.

Samantala, humihiling naman ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas na magkaroon sila ng public consultation kasama ang bagong pamunuan ng Department of Transportation ukol sa mga problema sa pampublikong transportasyon.

Facebook Comments