Friday, February 6, 2026

Six days old na sanggol, nakita sa maleta ng isang dayuhan sa NAIA

Dinala na sa Anti-Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation o NBI ang isang babaeng American national na nagtangkang magpuslit ng sanggol sa NAIA terminal-3.

Nakilala ang American national na si Jennifer Talbot, 43-anyos.

Sa imbestigasyon, pasado alas-7:00 ng umaga kanina nang makita ng immigration officer ang ginang na may bitbit na malaking bag kaya’t agad nila itong hinarang at ininspeksyon.

Nang buksan, dito na tumambad ang sanggol kung saan wala naman maipakitang dokumento si Talbot bilang patunay na pwedeng ibiyahe ang bata.

Lumalabas pa sa imbestigasyon na anim na araw pa lamang nang ipanganak ang lalaking sanggol at inaalam na sa suspek kung kaano-ano niya ito.

Ayon naman kay Immigration Port Operation Division Chief Grifton Medina, mula sa Utah si Talbot at wala itong dalang anumang papeles na nagpapahintulot na dalhin at ilabas ang sanggol sa bansa.

Sa ngayon, inaalagaan ang sanggol ng mga tauhan ng Department of Social Welfare Development habang iniimbestigahan ng NBI ang dayuhan.

Facebook Comments