Six-month suspension order laban kay ERC chief Monalisa Dimalanta, inalis na ng Malacañang

Kinumpirma ng Malacañang na inalis na ang suspension order laban kay Monalisa Dimalanta bilang chairperson ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa isang memorandum order mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang October 31, 2024, inatasan si Dimalanta na muling mag-assume “effective immediately” bilang chairperson at chief executive officer ng Energy Regulatory Commission.

Iniulat din naman ng ERC na natanggap na rin nila ang memorandum mula sa tanggapan ng Office of the Executive Secretary.


Ang hakbang ng Malacañang ay kasunod ng memorandum order mula sa Office of the Ombudsman na may petsang October 22, 2024 at pirmado ni Deputy Ombudsman Dante Vargas na nag-aatas sa lifting ng suspension order sa ERC chief.

Binigyang-diin ng Ombudsman na makalipas ang masusing ebalwasyon sa case record, natukoy nila na walang dahilan para manatili ang pag-iral ng preventive suspension laban kay Dimalanta.

Kung maaalala, nagsimula ang six-month suspension kay Dimalanta noong September 9 nitong taon, habang iniimbestigahan ang reklamo sa kanya ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore).

Batay sa alegasyon ng Nasecore, nabigo umano si Dimalanta na ipatupad ang pag-regulate sa power rate na may kaugnayan sa recalculation ng distribution rate ng Manila Electric Company (Meralco).

Bilang ERC chief, hanggang July 2029 pa magtatapos ang termino ni Dimalanta makaraang italaga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 2022.

Facebook Comments