Siyam katao, namatay sa leptospirosis sa Cordillera Autonomous Region

Siyam na indibidwal ang namatay dahil sa leptospirosis sa rehiyon ng Cordillera, ayon sa pinakahuling datos mula sa Department of Health Cordillera (DOH-CAR).

Dalawa sa mga namatay ay mula sa Apayao at Baguio City, habang tig-isa naman ang naitala sa iba pang mga probinsya.

Ayon kay Victoria Malecdan, nurse ng DOH-CAR, tumaas ang bilang ng mga taong apektado ng nasabing sakit kumpara noong nakaraang taon. Sinabi pa niya na karamihan sa mga naapektuhan ng sakit ay mga magsasaka.

Dumami ang kaso ng leptospirosis sa huling apat na linggo ng Hunyo dahil sa magkakasunod na bagyo at habagat sa rehiyon.

Dahil dito, muling nagpaalala ang ahensya sa mga residente, lalo na sa mga magsasaka, na magsuot ng bota kapag pupunta sa kanilang mga bukid.

Pinayuhan din ang mga residente na kapag nakaramdam ng mga sintomas ng leptospirosis, tulad ng lagnat at pananakit ng kalamnan, agad na magpatingin sa doktor.

Facebook Comments