Siyam na barko ng Coast Guard, nakapaghatid na relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Odette

Nagpapatuloy ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Leopoldo Laroya, nakarating na sa Tagbilaran, Bohol ang BRP Tubbataha at nakapagdiskarga na ng 30 sako ng bigas, dalawang drum ng gasolina, generator set, isang kahon ng de lata, tuna at apat na rolyo ng tarpaulin.

Bukod sa BRP Tubbataha, nakapaghatid na rin ng relief items ang mga sumusunod na barko ng Coast Guard tulad ng BRP Gabriela Silang na ligtas na nakarating sa EVA Macapagal Terminal, Surigao City.


Gayundin ang BRP Cabra sa Ormoc City, Leyte; BRP Nueva Vizcaya sa Lapuz Wharf, Iloilo City; BRP Sindangan sa Surigao na nakapaghatid ng 250 pasahero at 22 motorsiklo.

Habang ang BRP Cape Engaño ay nakarating na sa Puerto Princesa Port sa Palawan at BRP Cape San Agustin sa Sibago Island sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may dalang mineral water, flashlights na may batteries, sako-sakong bigas at iba pang relief items mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Maging ang BRP Bagacay ay nakaabot na ng Surigao City na may dalang food packs, bottled water at mga saku-sakong bigas at BRP Malabrigo ay nasa Manlibat Point sa Cebu na may sakay na communications personnel, mineral water at petrolyo.

Sinabi rin ni Admiral Laroya na inihahanda na rin nila ang iba pang barko upang maghatid ng relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Odette kung saan ang iba sa mga ito ay paalis na ng pantalan dito sa Maynila.

Panawagan ni Admiral Laroya sa publiko na isama sa kanilang panalangin ang kaligtasan at kalusugan ng mga tauhan ng PCG na ngayon ay nasa mga relief missions.

Facebook Comments