
Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) katuwang ang iba pang ahensya ang siyam na Chinese nationals na sangkot sa iligal mining sa Aroroy, Masbate.
Matapos ang ikinasang magkahiwalay na operasyon sa dalawang illegal mining sa Barangay Cabangcalan at Barangay Pangle sa naturang probinsya.
Ayon sa BI, nalaman ng kanilang ahensya na ang mga nahuling dayuhan ay nagtatrabaho sa mga iligal na minahan na walang kaukulang visa o permit.
Ilan din sa mga naaresto ay napag-alaman na overstaying na sa bansa o nagtatrabaho na labag sa kanilang immigration status.
Giit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi nila kinukunsinti ang iligal na aktibidad na ginagawa ng mga dayuhan na nakakasama sa batas at likas na yaman ng bansa.
Sa ngayon ay nakakulong na ang mga Chinese nationals sa BI Facility sa Taguig City upang sumailalim sa deportation proceedings.









