Nakalabas na ng isolation facilities ang 10 Pilipino sa Shanghai, China matapos magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Philippine Consul General to Shanghai Josel Ignacio, tanging siyam na lamang na mga Pinoy ang nananatiling naka-isolate.
Ilang lungsod sa China ang nakasailalim sa partial o total lockdown matapos ipatupad ng Chinese government ang zero-COVID strategy.
Layon nitong mapigil ang pagkalat ng impeksyon na dulot ng Omicron variant at subvariant nito.
Sinabi ni Ignacio na kabilang sa mga apektadong lungsod ay ang Shanghai na tahanan ng nasa 4,000 na Pilipino.
Sa kabila ng mga paghihigpit, tiniyak ni Ignacio na tuluy-tuloy ang komunikasyon ng konsulado sa mga apektadong Pilipino at handang suportahan ang kanilang mga pangangailangan, lalo na ang mga nasa ilalim ng quarantine.