Aabot sa siyam na warehouse na naglalaman ng imported na bigas sa Bocaue at Balagtas, Bulacan ang sinalakay ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Agriculture (DA).
Ayon kay BOC- Customs Intelligence and Investigation Service Chief Alvin Enciso, ikinasa nila ang raid matapos makatanggap na nakaimbak sa mga warehouse ang mga smuggled na imported na bigas.
Sinabi ni Enciso, nagkakahalaga ang mga nasabing smuggled rice ng halos ₱100 milyon kung saan ang ilang warehouse ay nagre-repack at hinahaluan ng mga local rice upang maibenta ng mas mahal.
Aniya, posibleng binili at inimbak ng ilan taon ang bigas habang mababa pa ang presyo nito kung kaya’t ang ilang sako ng bigas ay inaalikabok na.
Binigyan naman ng 15 araw ang mga may-ari ng warehouse para magpakita ng kaukulang dokumento habang isinara at mahigpit na binabantayan ng BOC ang mga warehouse.