Siyam sa bawat 10 Pilipino, naniniwalang mas mahirap ang blended learning kaysa sa face-to-face classes – SWS

Naniniwala ang 89% ng pamilyang Pilipino na mas mahirap ang kasalukuyang blended learning set-up kaysa sa tradisyunal na face-to-face learning.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), anim na porsyento ng pamilya na mayroong naka-enroll na estudyanteng may edad lima hanggang 20-taong gulang ang nagsasabing mas maginhawa para sa kanila ang blended learning.

Ang natitirang limang porsyento ang hindi makapagpasya kung mahirap o madali ang kasalukuyang learning set-up.


Ayon sa SWS, tinawag itong “blended” dahil may ilang eskwelahan ang nag-aalok ng dalawa o higit pang learning modalities sa isang estudyante.

Lumabas sa survey na mas maraming nagsasabing mahirap ang blended learning sa Visayas (92%), kasunod ang Metro Manila (90%), Mindanao (88%) at Balance Luzon (87%).

Ang survey ay isinagawa mula November 21 hanggang 25, 2020 sa 1,500 adult respondents sa buong bansa gamit ang face-to-face interviews.

Facebook Comments