Naitala na sa siyam sa labing pitong rehiyon sa bansa ang kumpirmadong kaso ng local Delta variant.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa gitna ng briefing na isinagawa ng House Committee on Health.
Sa presentasyon ni Dr. Alethea de Guzman, sa pinakahuling Philippine Genome Center Bio Surveillance Report, nasa 216 ang kabuuang naitala na Delta variant cases sa bansa, kung saan 165 ang lokal na kaso.
Mula sa 165, 14 ang mga aktibong kaso sa local Delta variant, habang 88 ang bagong mga kaso.
Naitala naman ang local Delta variant cases sa Regions 1, 3, 6, 7, 8, 10, 11, 4A, at National Capital Region o NCR.
Samantala, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mapaghandaan ng bansa ang posibleng pagtaas pa ng Delta variant sa bansa.
Bago aniya ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), pinalakas na ang health system sa pamamagitan ng pagpapalawak sa health care capacity, dagdag na high nasal flow canula, mechanical ventilators, Intensive Care Unit (ICU) beds, modular hospitals, at stockpile ng mga medical supplies, PPEs at oxygen.