
azPosibleng nawalan ng preno ang bus na umararo sa limang motorsiklo, tatlong MPV, at isang van sa lungsod ng Maynila.
Sa aksidenteng naganap sa Taft Avenue kanto ng Pedro Gil, siyam na indibidwal ang nasugatan at agad na isinugod sa iba’t ibang pagamutan.
Ayon kay Barangay 669 CCTV Controller Rasid Ragales, base sa mga rumespondeng opisyal ng barangay, mabilis ang takbo ng bus at makikita sa CCTV footage na patuloy umanong tinatapakan ng driver ang preno kahit nabangga na nito ang isang sasakyan.
Samantala, sa Quezon City, himas-rehas na ang isang lalaking nagtangkang mangholdap ng taxi driver.
Sumakay ang suspek na si alyas Tammy sa isang taxi sa Road 3, Mindanao Avenue, at nagpahatid sa Araneta.
Nang magdeklara ng holdap ang suspek, agad bumaba ang driver kaya tinangay ni alyas Tammy ang taxi.
Dahil sa matinding trapiko malapit sa Q-Mart, inabandona ng suspek ang sasakyan at tumakbo, ngunit kalaunan ay nakorner ng mga awtoridad sa lugar.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon City Prosecutor’s Office.










