SK chairman at kapatid, patay sa pamamaril sa Cotabato City; pulis na rumesponde, sugatan

Abot sa 94 na basyo ang narekober sa crime scene matapos paulanan ng bala ang sasakyan ng isang Sangguniang Kabataan chairman at kapatid nito, habang sugatan naman ang isang pulis na tumugon sa insidente.

Naganap ang pamamaril bandang 10:30 ng umaga noong Sabado, Oktubre 5, sa bahagi ng Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Sa report ng Cotabato City PNP, kinilala ang biktimang nasawi na si Prince Muadz Matanog, SK Chairperson ng Poblacion 5, habang patay rin ang kapatid nitong si Muamar Salvador Matanog, estudyante. Sugatan naman ang pulis na si Patrolman Norsaiden Laguiali.

Dagdag sa ulat, nataon na nagpapatrolya noon ang mga tauhan ng Police Station 1 nang marinig ang sunod-sunod na putok sa crime scene, dahilan upang rumesponde ang mga ito.

Sa hindi inaasahang pangyayari, nasugatan ang patrolman matapos tamaan ng bala sa paa.

May mga kopya na ng CCTV camera ang City PNP para tukuyin ang mga salarin na umano’y sakay ng dalawang motorsiklo.

Facebook Comments