SK Kagawad, Arestado sa Pagbebenta ng Droga

30

Cauayan City, Isabela- Natimbog ng mga operatiba ang isang kasapi ng Sangguniang Kabataan sa ikinasang drug buy bust operation ng mga otoridad kagabi partikular sa Purok 3 Minante 2, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang suspek na itinuturing na High Value Individual (HVI) na si Marlon Francisco Jr., alyas Rajah, 22 taong gulang, binata, SK Councilor at residente ng Purok 6 ng barangay Minante 2 sa Lungsod ng Cauayan.


Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kabilang si Francisco sa mga minamanmanang indibidwal ng PNP Cauayan City na sangkot sa illegal na droga at napag-alaman na patuloy pa rin ang ginagawa nitong pagtutulak ng droga kaya’t agad na inilatag ang operasyon laban sa suspek.

Nagresulta ito sa kanyang pagkakahuli matapos mabentahan ang isang poseur buyer ng isang (1) heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Nakumpiska naman sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) piraso ng Php500.00 na ginamit bilang buybust money at isang (1) unit ng cellphone.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP Cauayan City ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act sa pamamagitan ng inquest proceedings.




Facebook Comments