Hinikayat ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang pamahalaan na pag-ibayuhin ang skills training sa bansa.
Kasabay nito ang apela ng kongresista na i-refocus ang “skills training program” ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang maihanay sa mga kinakailangang target na trabaho sa ilalim ng papasok na Marcos administration.
Ayon kay Vargas, ilang industriya ang itinuturing na mahalaga para sa pagbangon ng ekonomiya na nangangailangan ng maraming skilled workers pero ang palaging problema ay “skills mismatch” o hindi pagtutugma sa available na trabaho sa kakayahan ng isang tao.
Kailangan aniyang iakma ang pangangailangan sa mga pangunahing industriya tulad ng manufacturing, agriculture, and tourism sa antas ng kakayahan at pagsasanay ng isang manggagawa.
Importante rin aniya na maitugma ang skills training upang matugunan ng bagong administrasyon ang matagal nang problema sa unemployment at underemployment sa bansa.
Bunsod nito ay inirekomenda ng kongresista ang mas maraming skills training partnership sa pagitan ng TESDA, mga paaralan, Local Government Units at private sector.