SKY PLAZA AT MARANUM FALLS SA NATIVIDAD, DINAGSA NOONG UNDAS BREAK

Dinadagsa ngunit may sapat pang espasyo ang Sky Plaza at Maranum Falls sa Natividad, para sa mga nais pang bumisita matapos umabot sa higit isang libong katao ang pumasyal kasabay ng Undas Break.

Ayon sa Natividad Ecotourism Office, umabot sa 1,500 katao ang bumisita at nagparehistro sa dalawang pook pasyalan nitong nakaraang linggo.

Sa taglay na ganda at katahimikan, patuloy na dumarayo ang mga turista maging ang mga lokal para masilayan ang mga tanawin.

Matatagpuan sa taas na 1,108 metro sa ibabaw ng dagat, ang Sky Plaza ay tanyag sa 40-foot statue of Christ the Redeemer, 30-foot Holy Cross, at grotto ng Birheng Maria na dinarayo ng mga deboto at nature lovers.

Samantala, tampok naman sa Barangay Batchelor East ang Maranum Falls na kilala sa malamig na tubig at luntiang paligid.

Bagaman, dumadagsa ang libo-libong turista at grupo ng mga motorista partikular tuwing weekend, sanib pwersa naman ang iba’t-ibang tanggapan para sa seguridad at katahimikan sa mga pook pasyalan.

Sa mga nais bumisita, bukas araw-araw ang Tourism Office ng Natividad upang tumanggap at mag-assist sa mga turista na nagnanais tuklasin ang mga likas na yaman ng bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments