SKY PLAZA SA NATIVIDAD, PANGASINAN, DINARAYONG PASYALAN PARA SA PAGNINILAY-NILAY NGAYONG PAPALAPIT NA MAHAL NA ARAW

Isa ang Sky Plaza sa bayan ng Natividad, Pangasinan, na kilala rin bilang Ayat ni Apo Hesus, sa mga inirerekomendang puntahan ng mga deboto at turista ngayong nalalapit na Holy Week o Mahal na Araw, bilang bahagi ng kanilang paggunita at pananampalataya.

Kilala ang naturang lugar sa kahanga-hanga nitong tanawin at mapayapang kapaligiran na matatagpuan sa isang burol, dahilan upang maging angkop ito sa pananalangin at taimtim na pagninilay-nilay ng mga bumibisita.

Isa sa mga pangunahing dinarayo rito ang malaking rebulto ng muling nabuhay na Kristo na nagsisilbing simbolo ng matibay na pananampalataya ng mga deboto mula sa iba’t ibang lugar.

Tampok din sa lugar ang kapilya at ang life-sized na Stations of the Cross na matatagpuan sa paakyat na bahagi ng burol, kung saan maaaring isagawa ang tradisyunal na pag-aalay ng panalangin, lalo na tuwing Semana Santa.

Sa halagang ₱20 na entrance fee, bukas ang Sky Plaza sa publiko, hindi lamang para sa mga residente ng Natividad, Pangasinan kundi maging sa mga mula sa karatig-bayan na nagnanais makaranas ng isang makabuluhang espiritwal na paglalakbay ngayong Mahal na Araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments