Itinigil na ng SkyCable Corporation ang direct broadcast satellite service nitong SkyDirect kasunod ng paglalabas ng cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Batay sa kautusan ng NTC, ang legislative franchise ng SkyCable sa ilalim ng Republic Act no. 7969 ay napaso na nitong May 4, 2020.
Ipinag-utos din ng NTC sa SkyCable na magpaliwanag sa loob ng 10 araw kung bakit hindi dapat bawiin ang itinalagang radio frequencies sa kumpanya.
Inatasan din ang cable company na ibalik sa lahat ng subscribers nito ang lahat ng hindi nakonsumong prepaid loads, deposit o advanced payment para sa mga postpaid subscribers, maging ang mga nasingil mula sa mga bagong applicants.
Ayon sa SkyCable, nasa higit milyong subscribers nito ang mawawalan ng mapagkukunan ng balita at entertainment.
Patuloy silang aapela sa NTC na palawigin ang nasabing pribilehiyo lalo na at may ilang kumpanya ang pinayagang magpatuloy ng operasyon kahit napaso na ang prangkisa nito pero may nakabinbing aplikasyon sa Kongreso.
Susunod din sila sa utos ng NTC na i-refund ang lahat ng hindi nakonsumong prepaid loads at advanced postpaid payments.
Ang SkyCable ay subsidiary ng ABS-CBN.