Tiniyak ni presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na kung siya ang mabibigyan ng pagkakataon na magpatupad ng mga batas bilang pangulo ay hihigpitan niya ang mga small-scale-miner na may malalaki nang kagamitan na nagreresulta sa pagkawasak ng kalikasan.
Ayon kay Lacson, nakikita niya na sa ilalim ng maayos pamumuno ay mapauunlad ang pagmimina sa ating bansa nang hindi nasisira ang kalikasan.
Paliwanag ni Lacson na malaki aniya ang potensyal nito sa mga susunod na panahon, lalo pa’t kailangan ang mga mineral sa modernisasyon ng transportasyon.
Dagdag pa ng beteranong senador lalung lalo na umano ngayon na unti-unting papaunlad na ang bansa at papunta na umano tayo sa electric cars, electric battery cars na kailangan ng mga nickel at saka ibang mga mineral at maraming kailanganin na makakuha ng nickel kaya’t kailangan ang pagmimina.
Giit pa ni Lacson na hindi dapat tingnan na lubusang masama ang industriyang pagmimina at nararapat lamang na hindi maisantabi ang grupo ng mga katutubo dahil sila ang direktang naapektuhan ng pabayang pagmimina.
Aniya, nag-uugat ito sa katiwalian na hinahayaan ang mga iligal na minero na humakot ng ginto, pilak, tanso at iba pang mineral.