Ipinag-utos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa Mines and Geosciences Bureau ang agarang pagpapasara sa illegal small-scale mining operation sa Magpet, Cotabato.
Ang mining site na 10 kilometro ang layo sa Mt. Apo Natural Park ay hindi pa pinapayagang makapag-operate ang small-scale miners.
Kasunod naman ito ng pagkakatuklas sa five-meter tunnel sa Barangay Don Panaca na nagpapatunay na nagsisimula na ang mining operation.
Natagpuan sa tunnel ang sako-sakong mga iron ore.
Ang mining operation ay isang malinaw na paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 at sa Republic Act 7076 o ang Peoples Small-Scale Mining Act of 1991.
Ayon kay MGB 12 Director Felizardo Gacad Jr., maglalabas sila ng cease-and-desist order laban sa illegal mining operation habang sasampahan naman ng kasong kriminal ang mga iligal na miners at kanilang financiers.