‘Small victory’ sa giyera kontra COVID-19, nakamit ng Pilipinas ayon sa DOH

Nakamit ng Pilipinas ang “small victory” nito sa laban sa COVID-19.

Ito ang ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) kasunod ng pagkonti ng bilang ng mga taong namamatay dahil sa virus.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bukod sa case fatality rate, kabilang rin sa mga indicators na tinitingnan ng DOH para malamang epektibo ang pagtugon ng gobyerno laban sa COVID-19 ay ang case doubling time at ang critical care utilization rate ng mga ospital.


Mapapansin aniya na habang bumababa ang bilang ng mga nasasawi, humahaba rin ang case doubling time ng virus sa Pilipinas.

Ang downward trend na ito ay nagbibigay aniya ng sapat na panahon para makabawi ang health system ng bansa.

Kumpiyansa rin ang gobyerno na kinakaya ng health system ng bansa ang pandemya dahil hindi pa naabot ang sukdulan ng critical utilization rate.

Ito ay ang kapasidad ng healthcare system ng bansa na matugunan ang severe cases na makikita kung gaano kadalas nagagamit ang intensive care facilities at kung gaano pa karami ang pwedeng magamit.

Kahapon, umabot na sa 18,638 ang tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

70 naman ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling na ngayon ay nasa 3,979 at tatlo lang ang nasawi na umabot na sa 960.

Facebook Comments