Inaprubahan ng pamahalaan ang paggamit ng automatic contact tracing sa pamamagitan ng Smart Messaging System.
Ito ang inanunsyo ng Malacañang kasabay ng pagdedeklara ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR+.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyan ng “go” signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na gamitin ang automatic contact tracing sa pamamagitan ng Smart Messaging System para mapalakas ang paggamit ng StaySafe.PH system.
Magkakaroon ng initial-beta testing sa Pasay City sa May 1 para matiyak ang interoperability at integration ng lahat ng contact tracing applications sa StaySafe.PH.
Bukod dito, mayroon ding beta-testing sa Antipolo, Pasig, Mandaluyong, Valenzuela sa May 1 kung saan may access sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Ang StaySafe.PH system ay ang official social distancing, COVID-19 health-condition reporting, at contact tracing system ng pamahalaan.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mangagasiwa ng overall implementation nito habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangunguna sa national interoperability at ang Department of Health (DOH) ang inatasan para sa integration ng StaySafe.PH sa CDRS.