Ilulunsad ng Smart Communications Inc. ang fifth-generation o 5G services sa ilang piling lugar ngayong araw, July 30, 2020.
Sa statement, sinabi ng Smart na ang initial roll-out ay magiging available sa kanilang Signature, Infinity, at iba pang postpaid subscribers gamit ang Smart-certified handsets na may 5G activated sim cards.
Sakop ng kanilang 5G services ang Makati Central Business District, Bonifacio Global City sa Taguig, Araneta City, SM Megamall at Mall of Asia Bay Area.
Ang 5G services ay magiging available sa high-traffic areas tulad ng North Avenue sa Quezon City, at Taft Avenue sa Lungsod ng Maynila, maging sa Ortigas Central Business District at Clark Green City sa Pampanga.
Ayon kay Smart President and Chief Executive Officer Alfredo Panlilio, ang paglulunsad nila ng 5G service ay layong i-angat ang Pilipinas at maihanay sa iba pang bansang gumagamit ng bagong henerasyon ng mobile technology.
Maglulunsad din sila ng initial lineup ng Smart 5G-certified devices mula sa Huawei, Samsung, RealMe, at Vivo na magiging available sa kanilang Smart Signature plans.
Sa ngayon, ang 4G o LTE at 3G coverage ng Smart ay umaabot sa 95% ng populasyon ng bansa.
Nabatid na nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa Smart at Globe Telecom na ibebenta ang kanilang properties o ipapasara kapag hindi inayos ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre.