Walang dahilan para maitapon lang ang mga produktong kamatis ng mga magsasaka sa Ifugao.
Tugon ito ni Assistant Secretary Ariel Cayanan sa mga naglabasang larawan sa Social Media na itinatambak na sa gilid ng mga kalsada sa Ifugao at Nueva Vizcaya ang mga hinog na kamatis dahil sa oversupply.
Ibinebenta na ng mga magsasaka sa dalawang piso kada kilo ang kanilang produkto matapos na maapektuhan ang kanilang bentahan dulot ng community quarantine.
Sinabi ni Cayanan na kakausapin muli nila ang San Miguel Corporation na nangakong bibili ng lahat ng oversupply na produkto ng mga magsasaka bilang tulong upang makatawid ang mga ito sa epekto ng pandemya.
Maari rin aniyang bilhin ng mga institutionalized buyers sa ilalim ng Kadiwa project ng Department of Agriculture o DA ang mga sobrang suplay ng kamatis.
Panawagan din ni Cayanan sa LGUs, makipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Ifugao upang mabili ang kanilang mga produktong kamatis.
Magugunita na isinama na din ng LGUs sa kanilang ipinamamahaging relief goods ang mga produktong gulay ng mga magsasaka.