Sa layuning makatulong sa mga magsasaka sa gitna ng banta ng COVID-19, bibili na sa Department of Agriculture (DA) ang San Miguel Corporation (SMC) ng inisyal na apat na milyong surplus corn sa mga magsasaka.
Sinabi ni SMC President at COO Ramon Ang na ang surplus corn ay gagawing feeds para sa mga alagang hayop tulad ng manok.
Isa sa mga lugar na posibleng pagkukunan ng supply ng mais ay ang 25,000 ektaryang corn farms sa Cagayan. Hindi lang mais ang bibilhin ng SMC kundi pati cassava na rin.
Bukod dito, inalok na rin ni Ang sa DA ang mga Petron stations sa buong bansa na gamitin bilang outlets ng “Kadiwa ni Ani at Kita” rolling store program.
Katunayan, aniya, may nakahimpil ng Manukang Bayan refrigerated vans sa mga sangay ng Petron para mailapit pa sa consumers ang sariwang karne at iba pang canned meat products.
Tiniyak ng SMC na magkaroon ng matatag na pagkain ang bansa sa loob ng anim na buwan o kahit lampas na ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
May kapasidad ang pasilidad ng SMC na makapag produce ng daily output ng 1.96 million kilograms ng poultry, beef at pork meats; 524,000 kilograms ng processed meats at 2.11 million kilograms ng flour/baked goods.