Libreng makakagamit ng mga expressway ang mga motorista sa Pasko at Bagong Taon sa lahat ng hawak ng San Miguel Corporation (SMC).
Ito ang magandang ibinalita ni SMC President at Chief Operating Officer Ramon Ang bilang tradisyunal na ginagawa ng kompanya sa mga motorista.
Ayon kay Ang, nakataas ang lahat ng barrier ng SLEX, TPLEX, Star Tollway, NAIA Expressway at Skyway mula alas-10:00 ng gabi ng December 24 hanggang alas-6:00 ng umaga ng December 25 at alas-10:00 ng gabi ng December 31 hanggang alas-6:00 ng umaga ng January 1.
Ginagawa ito taon-taon ng SMC upang bigyan ng pagkakataon ang mga motorista na makapaglakbay palabas ng Metro Manila at makapiling ang pamilya sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.
Maliban dito, binibigyan din ng SMC ang kanilang mga empleyado na makauwi nang maaga upang makasama ang pamilya sa Noche Buena at Medya Noche.