Pinatawan ng contempt at idinitine sa Batasan Complex ng House Committee on legislative franchises ang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Jeffrey Celiz at co-anchor na si Lorraine Badoy na dating NTF-ELCAC spokesperson.
Ang pag-contempt at pagkulong kay Celiz ay isinulong ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na sinang-ayunan ng chairman ng komite na si Parañaque Rep. Gus Tambunting.
Ito ay matapos tumanggi si Celiz na ibunyag ang source o pinanggaligan ng kanyang impormasyon na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa biyahe na ayon sa Kamara ay fake news dahil hindi totoo.
Ikinatwiran ni Celiz na base sa Sotto Law o Republic Act (RA) No. 11458 ay may karapatan siyang ilihim o hindi pangalanan ang news source o impormasyong nakuha in confidence.
Pero katwiran ng mga kongresista, hindi maaring gamitin o magtago si Celiz sa Sotto Law lalo’t inamin nitong siya ay nakuryente o mali ang kanyang nakuhang impormasyon.
Si Manila Rep. Benny Abante naman ang nagmosyon na i-contempt si Badoy dahil sa pagtanggi na sagutin ang mga tanong ng mga kongresista, at umano’y kawalang galang sa pamamagitan ng pagsisinungaling.
Pinagsusumite naman ni Quezon Rep. David Suarez ang SMNI ng mga dokumento ng ads contract, at revenue sharing sa co-producers.