Hindi natuloy ang pagsasampa ng petition for certiorari with Temporary Restraining Order ng Sonshine Media Network International (SMNI) laban sa National Telecommunication Commission (NTC) sa Quezon City Regional Trial Court ngayong hapon.
Ito’y kasunod ng pag-isyu ng NTC ng 30 days na suspension order laban sa SMNI.
Kaninang alas-2:00 dapat ng hapon magsasampa ng petisyon ang SMNI na pangungunahan ng Swara Sug Media Corp., sa pamamagitan ng kanilang representative na si Marlon Rosete, Atty. Mark Tolentino at Atty. Rolex Suplico.
Hindi naman sinabi ng naturang network ang dahilan kung bakit naantala ang pagsasampa nila ng petisyon.
Ang suspension order ay kasunod ng isang resolusyon sa Kamara kung saan inakusahan ang SMNI ng paglabag ‘di umano sa kanilang prangkisa.
Sa ilalim ng kautusan ng NTC, maliban sa suspension sa loob ng isang buwan ay pinagpapaliwanag din ang Swara Sug Media Corporation, sa loob ng 15 araw para hindi sila patawan ng administrative sanction.