Muntinlupa City – Sinimulan na ngayong Linggo ng Pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang kanilang adbokasiya kontra paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Tess Navarro, PIO ng Muntinlupa LGU, mula ngayong linggo hanggang sa matapos ang Setyembre ay sisitahin na nila at paaalalahan ang mga violators na pagsapit ng buwan ng Oktubre, ay sisimulan nang ipatupad ang paniningil ng multa sa mga mahuhuling maninigarilyo at magbibenta nito sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay Navarro, sakop ng kanilang Smoking ban ang paggamit ng e-cigarettes o vape.
Sa mga mahuhuling maninigarilyo sa pampublikong lugar ay pagmumultahin ng 2,500 piso na may kasamang 8 oras na Community Service.
Habang sa mga mahuhuling namang magtitinda ng tobacco products sa pampublikong lugar ay magmumulta ng 5 libong piso at may kasamang 14 na oras na Community Service.
Nananawagan ngayon ang Muntinlupa LGU sa mga residente nito at sa mga dadayo sa lugar na irespeto ang umiiral na smoking ban sa lungsod at panatilihin na smoke free city ang Muntinlupa