Smuggled goods, patuloy pa rin ang pagpasok sa bansa kahit may quarantine restrictions

Aminado ang Bureau of Customs (BOC) na patuloy pa rin ang pagpasok ng mga smuggled goods o mga puslit na produkto sa bansa sa kabila ng mahigpit na pagbabantay bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sa pulong ng House Committee on Public Accounts, iniulat ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na mula noong Enero hanggang Oktubre 2021 ay papalo na sa P23 billion ang halaga ng smuggled goods na kanilang nasabat mula sa 743 seizures.

Mas mataas ito kung ikukumpara noong 2020 na nasa P10.629 billion lamang ang halaga ng smuggled goods na kanilang nasabat mula sa 997 na operasyon.


Bago naman nagkaroon ng pandemya, noong 2019 ay tinatayang P20.584 billion halaga ng smuggled goods ang kanilang naharang sa 613 seizures.

Dagdag pa ni Guerrero, aabot na sa 1,360 importers at 394 customs brokers ang binawian ng accreditation dahil sa mga paglabag at smuggling.

Papalo naman sa kabuuang 188 criminal cases ang naihain na ng ahensya sa Department of Justice (DOJ) mula 2019 hanggang nitong Oktubre 2021.

Facebook Comments