Target ng Department of Agriculture (DA) na masimulan ang pagbebenta ng mga nakumpiskang smuggled na asukal sa Kadiwa stores sa Abril.
Ayon kay DA Spokesperson Kristine Evangelista, isinasapinal na nila ang Implementing Rules and Regulations o IRR upang madala ang sako-sakong asukal maging sa Kadiwa on Wheels at sa mga retailer sa mga palengke na accredited ng Kadiwa.
Pinag-aaralan din ng ahensya kung hanggang kailan tatagal ang suplay.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbebenta ng 4,000 metric tons ng smuggled na asukal sa Kadiwa centers sa halagang ₱70 per kilo.
Bawat pamilya ay papayagan lamang makabili ng hanggang dalawang kilo.
Bukod sa asukal, ikinokonsidera rin ng ahensya na ibenta sa Kadiwa ang mga smuggled na bigas at gulay.