Smuggled na carrots at iba pang gulay na nagkalat ngayon sa pamilihan, pinapaimbestigahan sa Kamara

Pinapaimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang paglaganap ng smuggled na carrots at iba pang gulay sa mga lokal na pamilihan.

Sa House Bill 2263 na inihain ng anim na kongresista ng Makabayan, inaatasan ang House Committee on Agriculture and Food na silipin ang pagdami sa merkado ng mga smuggled na imported na gulay partikular sa Metro Manila, Cebu at Cagayan de Oro.

Ang proliferation o paglaganap ng smuggled na gulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nakakaapekto na sa kabuhayan ng mga magsasaka at mga nagtitinda ng locally produced na gulay.


Nitong Agosto ay inireklamo ng mga samahan at mga kooperatiba ng mga maggugulay sa bansa ang pagpasok ng mga smuggled na gulay.

Ang smuggled carrots mula China na idini-deliver sa Carbon Market sa Cebu City ay ibinebenta ng P50 kada kilo habang ang mga “hot cabbages” na itinitinda sa Divisoria ay nasa P70 per kilo na mas mura kumpara sa P115 hanggang P125 kada kilo mula sa Benguet.

May mga napaulat din na maliliit na warehouses sa Divisoria kung saan doon iniimbak ang mga imported na smuggled na gulay at inilalabas lamang sa mga palengke kapag tumaas ang presyo ng gulay mula sa Benguet.

Nakasaad din sa resolusyon ang hiling ng ilang grupo na papanagutin ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) dahil nasa mandato ng mga ahensya ang pagpigil na makapasok sa bansa ang mga smuggled na produktong agrikultura.

Facebook Comments