SMUGGLING | 2 Davao based companies, sinampahan ng kaso ng BOC

Davao – Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Customs (BOC) Action Team Against Smugglers ngayong araw upang sampahan ng kaso ang G-Joyce Enterprises at Zainar General Merchandise, dahil sa ilegal na importasyon ng mga tela at basahan na tinatayang aabot sa 4 na milyong piso ang halaga.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, kasong paglabag sa Section 1400 in relation to Section 1401 of the Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 4653; at paglabag sa Section 172 of the Revised Penal Code, ang isasampa kina Berkis Nuh Abdu na may-ari ng Zainar sa Sasa, Davao city at kaniyang Customs broker na sina: Remar Ferniz Mansari at Asniel Mocaram Diamad.

Sinampahan rin ng kaso ang may-ari ng G-Joyce, na si Griechelle Joyce Ballon Basio mula sa Tagum City at Customs broker nitong si Asniel Mocaram Diamad.


Dagdag pa ni Lapeña, two counts ng smuggling charges ang isinampa nila sa Zainar, habang isang count naman sa G-Joyce.

Matatandaang, Nobyembre noong 2017 nang maharang sa Port of Davao ang dalawang container vans mula sa bansang Korea na idineklara lamang bilang mga blanket na nagkakahalaga ng higit 600 libong piso.

Ngunit nang buksan, dito na tumambad sa Customs ang mga blanket, bedsheet at iba pang tela na aabot sa higit 4 milyong piso ang halaga.

Facebook Comments